IBINULGAR ng Commission on Audit na nakakolekta ang Stradcom Corporation ng mahigit sa P6 bilyon mula sa kontrata nito sa Land Transportation Office, subalit hindi nagbayad ng buwis ang nasabing kompanya.
Ayon sa report ng COA, lumagda sa isang kasunduan ang Stradcom at LTO upang maging "exclusive contractor" ng LTO ang kompanya para sa pagbibigay ng lisensya sa student drivers.
Nabatid sa rekord ng LTO na batay sa kasunduan, ang student license permit ay nagkakahalaga ng P150.
Batay sa COA report, kumita ang Stradcom ng halos P6 bilyon subalit ang "tax withheld" mula sa gross revenue ng kompanya ay umabot lamang sa P275 milyon.
Nagtataka ang COA kung saan napunta ang ibang nakolektang pera.
Magugunitang kamakailan ay hiniling sa Kongreso na imbestigahan ang kasunduan ng LTO sa Stradcom na nakakuha din ng isang build-operate transfer contract mula sa LTO para sa P4 Bilyon computerization project.
Nangako ang Stradcom na ikokonekta nito ang may 250 tanggapan ng LTO at aayusin ang serbisyo, pero sa kabila nito hindi pa rin kumpleto ang proyekto hanggang sa kasalukuyan.
Ayon sa COA, wala man lamang inilaang parusa o multa sa Stradcom ang kontrata para sa pagkabalam ng pagpapatupad ng proyekto.
Sinabi ng isang mambabatas kamakailan na naging "alila" ng Stradcom ang LTO kasi mga tauhan pa ng LTO ang nagsilbing kolektor ng kompanya para sa "information technology project" nito.
“Ginawa pa nilang atchoy ang LTO, ginawa nilang kolektor,” ayon sa kongresista. Nang manalo ang Stradcom sa bidding, dadalawang item lang ang nasa (kontrata), yung licensing at vehicle registration,” anang kongresista.
No comments:
Post a Comment